Photo courtesy of House of Representatives
Posibleng talakayin sa Budget Amendments and Review Subcommittee (BARC) ang mga panukalang dagdagan ang pondo ng Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA) sa 2027 national budget.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Mika Suansing, plano nilang magsagawa ngayong linggo ng paunang pulong ng BARC para talakayin ang mga ‘for considerations’ ng mga ahensya.
Kabilang dito ang kahilingan ng DepEd para sa dagdag na pondo para sa hiring ng mga bagong guro at ARAL Program.
Pag-aaralan din aniya ang dagdag na pondo para sa Department of Agriculture bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang mga programang tutulong sa mga magsasaka.
Sinabi ni Suansing na ang susunod na pulong ng BARC ay gagawin naman bago isalang sa second reading ang panukalang 2027 national budget.
Ngayong tanghali naman nakatakdang iakyat sa plenaryo ang panukalang pambansang pondo.
Sisimulan ito sa debate ng general principles at provisions at susundan ng pagtalakay sa panukalang pondo ng DEPDEV at DBM.