Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naninindigan ang House prosecution na nanatiling buo ang kredibilidad ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang sa kabila ng matinding pagtatanong ng depensa ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon tahasang itinanggi ni Cabotaje-Tang na may ipinangako o natanggap siyang kapalit para tumestigo, at iginiit ang linyang: “My testimony is not for sale.”
Dagdag ni Ridon, nilinaw ni Cabotaje-Tang sa cross-examination ni Atty. Mark Vinluan na hindi niya sinuri ang buong record ng kaso ni Duterte at wala siyang personal na kaalaman kung may hindi ipinaliwanag na yaman o mali sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang bise presidente.
Ayon sa saksi, ang pokus ng kaniyang testimonya ay ang pangkalahatang legal na prinsipyo laban sa korapsyon at ang aplikasyon ng Korte Suprema sa mga ito, at hindi ang pagbibigay ng konklusyon sa mismong kaso.
Pinasalamatan din ni Ridon ang saksi dahil sa pagpapaalala na ang “public office is a public trust,” isang mensaheng dadalhin ng prosekusyon hanggang sa dulo ng paglilitis.