Nakatakdang iharap ng House Prosecution panel ngayong araw ang mga opisyal mula sa Office of the Ombudsman at Securities and Exchange Commission (SEC).
Naka-focus ang day 25 ng paglilitis sa mga documentary evidence para sa kaso ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ay sina Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen Batu at SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario.
Inaasahang magpapatotoo si Batu hinggil sa mga rekord ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mga kaugnay na dokumento ni VP Sara, habang si del Rosario naman ang magpapatunay at magpapatotoo sa mga record ng korporasyon na may kaugnayan sa Article II.
Kabilang sa mga naunang tumestigo ang retiradong Sandiganbayan Presiding Justice na si Amparo Cabotaje-Tang, na nagpaliwanag sa pangkalahatang legal na balangkas para sa pagsusuri ng mga rekord na inihahain ng prosekusyon.
Gagamitin ng prosekusyon ang mga dokumento mula sa Ombudsman at SEC, pati na rin ang mga rekord mula sa mga bangko, buwis, at iba pang dokumentong pinansyal upang patibayin ang kanilang kaso laban sa Pangalawang Pangulo.