Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Isinusulong ni Pinoy Workers party-list Representative Karl Fernandez Legazpi na maimbestigahan sa Kamara ang trahedya sa M/V June Aster na nasunog habang papalapit sa Coron, Palawan noong September 9.
Sa House Resolution 1443, nais ni Legazpi na matukoy ang mga posibleng pagkukulang sa maritime safety policies at pagpapatupad ng mga ito.
Kabilang sa nais niyang siyasatin ang passenger manifest, matapos lumitaw na may dalawang pangalan sa talaan na umano’y hindi naman nakasakay sa barko.
Ayon kay Legazpi, kailangang malaman kung under-declared, over-declared, o may mga no-show na hindi naitala nang maayos, dahil mahalaga ang tamang manifest sa search and rescue operations at pag-account sa mga pasahero.
Diin niya, panahon na ring magkaroon ng digital passenger manifest at online ticketing system para mas tiyak kung sino talaga ang nakasakay.
Nais din niyang alamin kung sapat at madaling ma-access ang life jackets, kung maayos ang pagdirekta ng crew sa mga pasahero, at kung accessible ang emergency exits.
Dapat din aniyang masilip kung sapat ang fire-safety measures, lalo na’t iniulat na nagsimula ang sunog sa cargo hold.
Giit ni Legazpi, hindi lamang dapat maghanap ng mananagot ang imbestigasyon, kundi tukuyin kung ano pa ang kailangang ayusin upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.