Bagamat idineklarang generally peaceful ang naging makasaysayang BARMM Parliamentary Elections ay labis pa ring ikinabahala ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang ilang mga akto sa aktuwal na eleksiyon.
Sa panayam ng Salaam Radio kay LENTE Director, Atty. Ona Caritos sinabi niyang nakababahala ang mga natanggap nilang ulat na sa ilang presinto sa BARMM ay electoral board members o di kaya’y watcher na ang nagshe-shade ng balota dahil sa takot ng ilang mga botante na personal na ibigay ang kanilang boto.
Isyu pa rin ayon sa LENTE ang pamimigay pa rin ng campaign flyers kahit pa ipinagbabawal na ito sa mismong araw ng botohan.
Ikinagulat din ng LENTE ang nangyari pa ring karahasan sa Cotabato partikular sa pilot school sa Sero kung saan may nangyaring putukan na nagbunsod para i-extract ng LENTE ang ilan sa mga volunteer nito.
Giit ng LENTE, na dapat ay may managot sa mga naganap na insidente ng panggugulo sa ginanap na halalan sa BARMM.
Sa kabila nito, sinegundahan naman ng LENTE ang assessment sa totoong generally peaceful na halalan sa Tawi-Tawi na sana ay maging standard sa mga susunod pang Parliamentary Elections sa BARMM.