Pinasalamatan nina Senador Erwin Tulfo at Senadora Risa Hontiveros ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagtanggal ng value-added tax o VAT sa system loss charge sa kuryente.
Sa kanilang magkahiwalay na manifestation sa plenaryo ng Senado, pinuri nina Tulfo at Hontiveros ang BIR sa pakikinig sa hinaing ng mga consumer na matagal nang nananawagan na alisin ang buwis sa system loss dahil dagdag-pasanin ito sa kanilang mga electricity bill.
Una nang naglabas ang BIR, sa pamumuno ni Commissioner Charlie Mendoza, ng Revenue Memorandum Circular 97-2026 na nag-aalis ng VAT sa electricity system loss charges.
Sinabi ni Tulfo na ang system loss charge ay isang pass-through charge at hindi kuryenteng aktuwal na kinokonsumo ng mga consumer kaya makatarungan lang na hindi na ito patawan pa ng buwis.
Pahayag naman ni Hontiveros na sana’y magsilbi itong hakbang para tuluyang alisin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang system loss charge mismo, alinsunod sa inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Samantala, welcome din kay Senador Bam Aquino ang pagtanggal ng VAT sa system loss, pero iginiit na mas malaking ginhawa para sa mga consumer kung aalisin ang VAT sa buong electricity bill ng mga residential household. Ayon kay Aquino, maaaring umabot sa 12 porsiyento ang mabawas sa electricity bill kung aalisin ang VAT dito, habang nasa 0.6 hanggang 0.8 porsiyento lamang ng kabuuang bill ang epekto ng pagtanggal ng VAT sa system loss