Pasado na sa sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang resolusyon na sumusuporta sa ratipikasyon ng ASEAN treaty on extradition.
Sa naging botohan, 20 na senador ang bumoto na pabor, walang tumutol at walang nag-abstain sa pagpapasa ng senate resolution 623.
Layunin ng kasunduan na magtatag ng iisang framework para sa extradition o pagpapauwi ng mga taong wanted o nahatulan sa krimen sa pagitan ng mga bansang miyembro ng ASEAN.
Ayon kay Senate Majority Leader at Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senador Juan Miguel Zubiri, mahalaga ang kasunduan para hindi madaling makatakas sa batas ang mga pugante sa pamamagitan lang ng pagtawid sa ibang bansa.
Sinabi ni Zubiri na magkakaroon ng legal na batayan ang Pilipinas para sa extradition sa lahat ng ASEAN member states, kabilang ang mga bansang wala tayong bilateral extradition treaty.
Binigyang-diin din ng senador na mahalaga ito lalo’t magiging host ang Pilipinas ng ASEAN ngayong November, kung saan inaasahang dadalo ang mga lider ng mga bansang kasapi ng rehiyon.
May mga probisyon din ang treaty para sa mandatory at discretionary na pagtanggi sa extradition at mga safeguard para maprotektahan ang mga pangunahing karapatan ng mga sangkot. | ulat ni Nimfa Asuncion