Nagbigay na ng rekomendasyon ang Department of Energy (DOE) matapos lumampas sa itinakdang 80 dolyar kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil. Umabot sa 99.41 dolyar kada bariles ang one-month average mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11.
Ito ang requirement sa ilalim ng Republic Act 12316 para maisaalang-alang ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa petrolyo.
Kasunod ito ng panibagong taas-presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Setyembre 15 hanggang 21. Tumaas ng ₱5.68 kada litro ang gasolina, ₱4.31 ang diesel, at ₱4.62 naman ang kerosene.
Ipinadala na ng DOE ang rekomendasyon sa Development Budget Coordination Committee o DBCC para sa kanilang konsiderasyon. Kapag nagrekomenda ang DBCC, maaaring aprubahan ng Pangulo ang buong suspensyon o bahagyang pagbabawas ng fuel excise tax sa piling produktong petrolyo, na maaaring ipatupad nang hanggang tatlong buwan.
Samantala, patuloy rin ang fuel subsidy para sa mga PUV driver, habang mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng langis at iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo sa mga konsyumer.