Nanawagan ang ilang senador sa Women’s Tennis Association (WTA) na huwag parusahan ang Filipina tennis star na si Alex Eala dahil sa pagpili nitong kumatawan sa Pilipinas sa Asian Games.
Sa halip na lumahok sa China Open, na isang WTA 1000 tournament at mandatory para sa mga manlalaro, nagdesisyon si Eala na maglaro para sa bansa sa Asian Games.
Dahil dito, posibleng pagmultahin si Eala ng WTA.
Ayon kay Senate Committee on Sports Chairman Senador Bong Go, nauunawaan at nirerespeto nila ang mga patakaran ng WTA, pero umapela siya para sa exemption para kay Eala.
Giit ni Go, hindi dapat maparusahan ang isang atleta dahil pinili nitong katawanin ang kanyang bansa.
Samantala, sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo na dapat aksyunan at suportahan ng gobyerno si Eala sakaling pagmultahin ito ng WTA.
Ayon kay Senator Erwin, maaaring malaki ang 10 libong dolyar na multa, pero mas mahalaga ang karangalang katawanin ng isa sa pinakamahusay na atleta ng bansa ang Pilipinas.
Hinikayat din niya ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at iba pang concerned government agencies na humanap ng legal at maayos na paraan upang matulungan si Eala. Samantala, sinabi ni Senate Deputy Majority Leader Joel Villanueva na kailangan ding repasuhin ang mga polisiya ng bansa sa sports upang matiyak ang pagiging available ng mga atleta para sa national team.