Ipinapanukala ni Quezon City Representative Patrick Vargas na mabigyan ng full HMO coverage ang lahat ng public school teachers sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 10984 o Health Care for Public School Teachers Act, inaatasan ang Department of Education na kumuha ng HMO package para sa mga guro sa pamamagitan ng public bidding.
Sa kasalukuyan, ₱7,000 lamang kada taon ang medical allowance ng mga guro, na ayon kay Vargas ay hindi sapat kapag nagkaroon ng malubhang sakit o kinakailangang ma-ospital.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng pambansang HMO contract na maaaring magbigay ng mas mataas na benefit limits, libreng hospital care at check-up, at coverage maging sa pre-existing conditions.
Ayon kay Vargas, mahalagang matiyak ang kalusugan ng mga guro dahil direktang nakaaapekto ito sa kalidad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga estudyante.
Aniya, nararapat lamang alagaan ang kalusugan ng mga guro at alisin ang kanilang pangamba sa gastusing medikal kapag sila ay nagkasakit.