Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na na-deny na ang aplikasyon ni Harry Roque para sa asylum.
Si Roque ang dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at nasa Austria ngayon habang humihiling ng asylum dahil sa umano’y political persecution.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na lumipas na ang limang buwan na karaniwang itinatagal ng pagproseso sa ganitong aplikasyon.
Giit pa niya, sa oras na may lumabas na Interpol red notice laban dito aarestuhin nila si Roque.
Matatandaang nahaharap si Roque sa kasong human trafficking kaugnay ng umano’y koneksyon sa Philippine offshore gaming operator sa Pampanga.
Samantala, sa Facebook post ni Roque tinawag niyang “fake news” ang sinabi ni Remulla na na-deny ang kaniyang aplikasyon para sa asyslum sa Austria.
Iginiit ni Roque na hinihintay pa umano niya ang pasya ng mga awtoridad sa Austria, at walang rule na nagsasabing awtomatikong denied na ang aplikasyon kapag lumipas ang anim na buwan.