Pangungunahan ng Pilipinas ang regional cooperation ng ASEAN sa disaster resilience sa pamamagitan ng ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience o AMCDR, na gaganapin ngayong September 15 hanggang 16 sa Pasay City.
Layunin ng kumperensya na palakasin ang paghahanda, pagtugon, at pagbangon ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa harap ng tumitinding epekto ng climate change at iba pang umuusbong na panganib.
Kasabay nito, gugunitain ang ika-20 anibersaryo ng ASEAN Agreement on Disaster Management and Emergency Response o AADMER at sisimulan ang pagpapatupad ng AADMER Work Programme 2026-2030.
Tatalakayin din ang pangmatagalang resilience agenda ng ASEAN, disaster financing, anticipatory action, at mas malawak na partisipasyon ng mga komunidad at pribadong sektor.
Inaasahang magbubunga ang kumperensya ng Manila Declaration, na magsisilbing gabay sa pagpapatibay ng regional cooperation at disaster resilience ng ASEAN sa mga susunod na taon.
Samantala, nakatakdang isagawa ang isang media event ngayong September 15, mamayang 12:45 PM, sa PICC sa Pasay City.
