Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang paglulunsad ng Yinli-1 rocket ng Peoples Republic of China ngayong September 16.
Ayon sa PhilSA, inilunsad ang rocket bandang alas-6 ng umaga mula sa East China Sea Launch Area sa silangang bahagi ng Shanghai.
Posibleng bumagsak ang debris sa isang drop zone na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone, tinatayang 61 nautical miles mula Santa Ana, Cagayan, at 71 nautical miles mula Babuyan Island.
Kabilang sa posibleng debris ang booster at fairing na itinatapon habang umaakyat ang rocket sa outer space.
Babala ng PhilSA, maaaring magdulot ng panganib ang debris sa mga barko, eroplano, fishing boats, at iba pang sasakyang-dagat.
Pinapayuhan ang publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang makitang debris at huwag itong lapitan o pulutin dahil maaaring may nakalalasong residue mula sa rocket fuel.