Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pinadalhan ng Impeachment Court ng Show Cause Order ang dalawang miyembro ng House Prosecution Panel dahil sa posibleng paglabag sa Sub-Judice Rule sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Presiding Officer Chiz Escudero, inilabas ang mga kautusan alinsunod sa direktiba ng korte noong August 26 para sa mahigpit na pagpapatupad ng Rule 18 ng Rules of Procedure sa impeachment trial.
Kinumpirma naman ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na dalawang miyembro ng prosecution panel ang nakatanggap ng Show Cause Orders.
Isa rito ang private counsel ng House Prosecution Panel na sinita kaugnay ng naging panayam nito noong September 8, habang ang isa naman ay mambabatas na kabilang sa Prosecution Panel na sinasabing may dalawang posibleng paglabag sa mga panayam noong September 14 at 15.
May 24-oras ang mga pinadalhan ng Show Cause Order para ipaliwanag kung bakit hindi dapat ituring na paglabag sa Sub-Judice Rule ang kanilang mga pahayag.
Sa ilalim ng nasabing rule, ipinagbabawal ang pagbibigay ng public comments ng prosecution at defense teams, mga testigo, respondent, at senator-judges na may kaugnayan sa merito ng impeachment case ni VP Sara.
Sinabi ni Tongol na motu proprio o kusang-loob na inilabas ng korte ang mga Show Cause Order, nang walang naghain muna ng reklamo o nagtaas ng isyu mula sa defense o iba pang partido.