📷 DSWD
Nagbukas ang Department of Budget and Management (DBM) ng libu-libong posisyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang palakasin ang frontline workforce ng mga pangunahing social protection programs ng gobyerno.
Inaprubahan ng DBM ang 5,711 regular positions, kabilang ang 5,703 para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Bukod dito, mahigit 21,000 contractual positions ang nilikha o na-convert para sa mga kwalipikadong manggagawa.
Kabilang sa staffing plan ang pagtatatag ng 4Ps Bureau sa DSWD Central Office, walong organizational units sa ilalim nito, at tig-isang 4Ps Division sa bawat 17 Regional Offices ng DSWD.
Sa 5,703 regular positions para sa 4Ps, 5,542 ang ilalaan sa regional 4Ps Divisions, habang 85 ang para sa regional financial, administrative, logistics, ICT, at general support functions. Mayroon ding 64 positions para sa 4Ps Bureau sa Central Office at 12 positions para sa iba pang DSWD support services.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, mahalaga ang sapat, stable, at professional na workforce upang masigurong nakararating ang serbisyo sa mga komunidad.
Mula 2014 hanggang 2025, nakalikha rin ang DBM ng 20,686 contractual positions para sa qualified COS at JO workers ng 4Ps, bukod sa 314 na na-convert sa contractual positions.
Noong Hunyo 2026, inaprubahan din ang contractual positions para sa iba pang DSWD programs: 75 para sa Supplementary Feeding Program, 160 para sa KALAHI-CIDSS, at 70 para sa Pag-Abot Program. May nauna ring 43 contractual positions para sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty Program.