📷:The Department of Education is asking local government units to be as specific as possible when suspending classes to prevent unnecessary learning disruptions in unaffected areas. Citing a proposed Executive Order on the suspension and resumption of classes, Education Secretary Sonny Angara emphasizes that this targeted approach protects vital learning time while keeping safety as the top priority.
Nag-apela ang Department of Education (DepEd) sa mga local government unit (LGU) na maging kasing-tiyak hangga’t maaari sa pagsuspinde ng mga klase upang makatulong sa pagprotekta sa oras ng pag-aaral, lalo na kapag nag-iiba ang sitwasyon sa mga bayan, barangay, o paaralan.
Ang kahilingang ito ay bahagi ng panukalang Executive Order on the Suspension and Resumption of Classes and Work in Educational Institutions and Other Related Matters, na naglalayong magtatag ng mas mabilis at angkop na pamantayan para sa mga desisyon sa pagsuspinde at pagbabalik ng klase, habang nananatiling pangunahing isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan.
Sa ilalim ng panukalang Executive Order, ang mga desisyon sa pagsuspinde at pagbabalik ng klase ay maaaring awtomatiko, localized, o granular, depende sa uri at saklaw ng panganib.
Para sa mga localized na suspensyon, hinihikayat ng DepEd ang mga LGU na tukuyin ang mga partikular na lugar na tunay na naapektuhan ng panganib. Kung ipinapahintulot ng sitwasyon, maaaring tukuyin ng isang lalawigan ang mga apektadong bayan, habang ang isang lungsod o bayan ay maaaring magsaad ng mga apektadong barangay o paaralan.
Isang lokal na halimbawa ang Calumpit, Bulacan, kung saan ang ilang paaralan ay baha pa rin o ginagamit bilang mga evacuation center, habang ang ibang paaralan naman ay ligtas na at nakapagklase na. Tinukoy sa anunsyo ng suspensiyon ng lokal na pamahalaan ang mga partikular na paaralang naapektuhan. Ito ang uri ng pagiging tiyak na makatutulong upang mapangalagaan ang oras ng pag-aaral habang inuuna ang kaligtasan.
“Our request is simple: be specific when you suspend. If the risk is limited to certain areas, identifying those areas can help schools in unaffected areas continue learning,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Hindi inaalis o binabawasan ng panukalang Executive Order ang kapangyarihan ng mga lokal na pinuno na magsuspinde ng klase. Sa halip, itinataguyod nito ang pakikipag-ugnayan sa lokal na disaster risk reduction and management office at sa mga apektadong awtoridad sa edukasyon, tulad ng Schools Division Superintendent, upang matiyak na ang mga desisyon ay nakabatay sa totoong sitwasyon sa kani-kanilang lugar.
Nagpapakita ng iba’t ibang epekto ang kasalukuyang school year
Ang pangangailangan para sa mas angkop na pamamaraan ay makikita sa karanasan ng DepEd ngayong school year. As of Setyembre 11, nakapagtala ang mga dibisyon ng average na apat na araw ng pag-aaral na nawala sa buong bansa. Gayunpaman, malaki ang pagkakaiba ng epekto nito sa iba’t ibang lugar.
Sa Rehiyon III, ang regional average ay siyam na nawalang araw ng pag-aaral, habang ang Pampanga ay nakapagtala na ng 26. Sa Rehiyon XII, ang average ay 8.4 araw, habang ang Sarangani ay nakapagtala ng 28. Sa National Capital Region, ang average ay 8.2 araw, habang ang Caloocan ay nakapagtala ng 25.
Simula nang magbukas ang klase, 34,775 paaralan, o 72.49 porsyento ng mga paaralan ng DepEd sa buong bansa, ang nakaranas ng pagsuspinde ng klase as of Setyembre 10.
“The national average does not tell the whole story. Conditions can be very different even within the same region or local government. This is why the proposed Executive Order provides a more responsive framework for decisions based on actual conditions,” ayon kay Angara.
Hindi matatawaran ang kaligtasan ng bawat isa
Naghahain din ang panukalang Executive Order ng granular na pagsuspinde at pagbabalik ng klase kapag ang sitwasyon sa isang partikular na lugar ay naiiba sa mas malawak na sakop ng suspensyon.
Binigyang-diin ng DepEd na ang kaligtasan ay nananatiling hindi pwedeng ipagpalit sa anumang granular resumption.
Maaari lamang isaalang-alang ang granular resumption kung nagkaroon na ng mas malawak o pangkalahatang suspensyon at ang isang paaralan, batay sa isang nakadokumentong pagsusuri sa mismong lokasyon, ay natukoy na ligtas na ang sitwasyon para sa pagbabalik ng in-person na mga klase.
Kinakailangan ang pakikipag-ugnayan o pagsang-ayon mula sa kinauukulang LGU, lalo na kung ang LGU ay nagdeklara na ng suspensyon. Layunin nitong maiwasan ang magkakasalungat na anunsyo at pagkalito sa mga mag-aaral, magulang, guro, at komunidad.
“We are not asking schools to override an LGU suspension. Safety must first be established, and the required coordination or concurrence with the LGU is there to ensure that everyone is working from the same information and that there are no conflicting announcements,” sinabi ni Angara.
Dahil dito, kinikilala ng framework na ang pagsuspinde at pagbabalik ng klase ay isang nakabahaging responsibilidad ng mga LGU at mga awtoridad sa edukasyon, habang iginagalang ang kapangyarihan at umiiral na mga protocol ng mga lokal na pamahalaan.
“Safety first, but when it is safe, we should also protect learning time. The objective is to suspend when and where the risk warrants it, resume when conditions are safe, and keep learning going wherever possible,” dagdag ni Angara.
Binuo ang panukalang Executive Order sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa mga pangunahing stakeholder sa edukasyon, komunidad, pamahalaan, at lokal na pamahalaan, at inaprubahan ng Social Development Committee Cabinet Cluster noong Setyembre 3.
Sa huli, layunin ng panukalang patakaran na makuha ang tamang balanse: ang pangalagaan ang kaligtasan nang hindi nag-aaksaya ng oras sa pag-aaral nang walang sapat na dahilan.