Iginit ng North Korea na mayroon silang dahilan upang palawakin pa ang kanilang nuclear weapons mula umano sa patuloy na pagpapalakas ng armas at puwersang militar na pinangungunahan ng Estados Unidos.
Ayon kay North Korean Vice Defense Minister Kim Kang II, lumalaking banta sa kanilang bansa ang pagtutulungan ng Estados Unidos, South Korea, at Japan sa larangan ng seguridad at militar.
Ginawa ni Kim ang pahayag sa Beijing Xiangshan Forum sa China, isang international security conference.
Aniya, hindi na magbabago ang katayuan ng North Korea bilang isang nuclear-armed state at patuloy nilang palalakasin ang kanilang nuclear deterrent.
Sinabi rin ni Kim Yo Jong, kapatid ni North Korean leader Kim Jong Un, na hindi katanggap-tanggap ang panibagong panawagan para sa denuclearization ng kanilang bansa.
Samantala, patuloy na nananawagan ang Estados Unidos at mga kaalyado nito sa North Korea na talikuran ang nuclear weapons program.