Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng pinagsamang serbisyong pangkalusugan at nutrisyon sa kanyang pagbisita sa Sta. Barbara Central School ngayong Huwebes.
Ibinida sa naturang pagbisita ang kabuuang strategy ng pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng serbisyong pangkalusugan, tiyak na programa sa nutrisyon, at pangangalaga sa pamanang pangkultura sa iisang lugar.
Ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Layunin ng inisyatibong ito na ihatid ang mga pangunahing serbisyong medikal sa mga pampublikong paaralan, tulad ng PhilHealth registration, pag-update ng rekord, pag-isyu ng ID, health orientation, at on-site consultation sa pakikipagtulungan ng mga akreditadong pasilidad.
Nakinabang ang tinatayang 200 na mga mag-aaral, magulang, at guro sa Sta. Barbara Central School. Bahagi rin ng pagbisita ang pamamahagi ng 1,194 na school bags sa mga mag-aaral mula sa Office of the President.
Ininspeksyon rin ni Pangulong Marcos ang pagpapatupad ng School-Based Feeding Program (SBFP) sa paaralan. Para sa School Year 2026–2027, target ng programa ang 385 na benepisyaryo sa Sta. Barbara Central School, kabilang ang 183 mag-aaral na natukoy na wasted o severely wasted.
Sa buong Pangasinan, sakop ng SBFP ang 552 pampublikong paaralan upang labanan ang malnutrisyon at mapataas ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa pagsasama ng tulong sa nutrisyon at serbisyong pangkalusugan, naglalayon ang administrasyon na mapabuti ang academic performance at kalusugan ng mga mag-aaral sa batayang edukasyon.
Isinagawa ang SBFP sa loob ng makasaysayang gusaling Gabaldon ng paaralan. Itinatag sa ilalim ng Act No. 1801 o ang Gabaldon Act of 1907, ang mga pamana o heritage building na ito ay nagtatampok ng mga natatanging disenyong arkitektural tulad ng mataas na palapag, malalaking bintanang gawa sa kapis, matataas na kisame, at disenyong hango sa tradisyunal na bahay kubo at bahay na bato upang matiyak ang maayos na bentilasyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11194, o ang Gabaldon School Buildings Conservation Act, at mga patakaran ng Department of Education (DepEd), nananatiling prayoridad ang preserbasyon ng mga gusaling Gabaldon upang pangalagaan ang pamanang pangkultura habang pinapanatiling ligtas at makabago ang pasilidad sa pag-aaral ng mga kabataan.