Puspusan na ang paghahanda ng National Capital Region Police Office para sa nalalapit na September 21 rally.
Personal din na nag-inspeksyon si NCRPO Officer-in-Charge Police Brig. Gen. Christopher Abrahano sa iba’t ibang units ng pulisya sa Metro Manila.
Kabilang ang Eastern Police District para tingnan ang deployment at security plan sa EDSA Shrine, at Manila Police District para sa walkthrough at ocular inspection sa Mendiola at iba pang kalapit lugar na kapwa inaasahang pagdarausan ng kilos-protesta.
Direktiba ni Gen. Abrahano sa pulisya, tiyakin ang ‘right to peaceful assembly’ o karapatan sa mapayapang pagtitipon ganun din ang pagpapatupad ng “maximum tolerance”.
Bukod dito pinatitiyak din nito ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko at hindi maabala ang operasyon sa mga pangunahing lansangan partikular na sa EDSA.
Una nang sinabi ng NCRPO na sila ay magpapakalat ng nasa 15,000 pulis para sa nakatakdang rally sa September 21 at posibleng dagdagan depende sa pangangailangan.