Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na patuloy nilang ipaglalaban sa mga pagdinig sa Kongreso ang pagbibigay ng pondo para sa tuloy-tuloy na operasyon ng EDSA Busway, fuel subsidies at iba pang mahahalagang programa sa pampublikong transportasyon.
Ito ang naging pahayag ni Transportation Secretary Giovanni Lopez matapos na hindi makasama ang panukalang pondo ng ahensya para sa mga nasabing programa sa binuong 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ani Lopez, hindi pa naman huli ang lahat dahil sasalang pa sa serye ng pagdinig ang hinihiling na budget ng DOTr sa parehong kapulungan ng Kongreso.
Kabilang sa mga nanganganib na mawalan ng suporta ay ang libre o subsidized na pagsakay sa EDSA Busway at ang pamimigay ng ayuda sa langis para sa mga pampublikong drayber at operator.
Giit ng ahensya, malaking tulong ang mga naturang programa upang maibsan ang pamasahe ng mga commuter at mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.