Iginiit ni House Prosecution Legal Spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang patas na pagpapatupad ng sub judice rules sa lahat ng panig.
Aniya, dapat rin busisiin ang mga pahayag na maaaring sumira sa integridad ng Senate Impeachment Court.
Ginawa ni Tolosa ang pahayag matapos maglabas ang impeachment court ng show-cause orders laban sa ilang miyembro ng House prosecution panel dahil sa posibleng paglabag sa sub judice rule.
Ayon kay Tolosa, ang mga usaping umaatake sa integridad ng hukuman ay hindi dapat basta-basta binabalewala kundi dapat tingnan nang maayos.
Ang pahayag ni Tolosa ay tugon sa mga paratang ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may kinikilingan umano ang mga senator-judge.
Kamakailan, inakusahan din ng pangalawang pangulo ang senado na kontrolado umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga senador, hukom, at taga-usig, na ayon sa kanya ay ginawa sa konteksto ng mga paglilitis ng impeachment at iba pang kinakaharap na kaso.
Gayunpaman, nilinaw ni Tolosa na hindi siya nananawagan ng tiyak na aksyon laban sa Bise Presidente o sa kampo nito, at ipinaubaya sa diskresyon ng impeachment court ang pagtukoy kung lumabag nga sa mga patakaran ang naturang mga pahayag.