Patuloy ang pagdami ng suporta para sa pagsusulong at pagsasabatas ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act kasunod ng mga nangyayaring pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng korapsiyon.
Sa tulong kasi ng panukalang batas ay maisusulong na ang paggamit ng teknolohiya upang mas mabantayan ng maigi ang pondo ng bayan kontra katiwalian.
Isa sa mga nagpahayag ng kanyang matinding suporta ay ang aktor na si John Arcilla na kilala rin sa kanyang pagganap sa pelikula bilang Heneral Luna.
Aniya, dapat mas makakuha ng malakas na suporta hindi lang sa mga showbiz personality kundi maging sa mga online media personalities and icons ang pagsusulong ng ‘blockchain technology’ na makatutulong maitaguyod ang ‘transparency’ at ‘accountability’ sa paggasta ng pondo ng bansa.
Sa ilalim kasi ng CADENA Act na isinulong ni Senador Bam Aquino, inaatasan ang lahat ng ahensiya na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kinalaman sa budget sa isang Digital Budget Platform.
Layon sa panukalang batas na magkaroon ng sistemang magagamit upang matiyak na ‘accesible’ sa publiko ang mga dokumento, maging open-source, at nasusubaybayan.
Bukod sa aktor, magugunitang umani na din ng suporta ang panukala mula sa iba’t ibang mga nasa entertainment industry.