Maaari nang maiakyat sa tanggapan ng Pangulo ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan o BSK sa limang taon mula sa kasalukuyang apat na taon.
Ito ay matapos i-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado sa panukala.
Dahil dito, hindi na kailangang dumaan sa bicameral conference committee ang panukala at maaari na itong direktang ipadala sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo.
Sa ilalim ng panukala, ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sanang isagawa sa November 2, 2026 ay ililipat sa ikalawang Lunes ng November 2028 at isasagawa kada limang taon pagkatapos nito.
Dahil sa dalawang taong extension sa kanilang termino, ituturing na nakumpleto na ng mga incumbent elective Barangay officials ang isang buong termino sa kanilang kasalukuyang posisyon.
Ang mga incumbent officials na nagsisilbi na sa kanilang huling termino sa parehong posisyon ay hindi na maaaring kumandidato para sa parehong posisyon sa 2028 elections.
Hindi rin maaaring tumakbo ang mga elective Barangay officials na nakapagsilbi na nang higit sa dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon, habang mananatili ang limitasyong isang termino lamang para sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan.