Plano ng Philippine Sports Commission (PSC) na magtayo ng mga regional training center na tututok sa tennis at iba pang pasilidad para sa mga atletang Pilipino.
Tinalakay ito sa Plenary deliberations sa panukalang 2027 budget ng PSC, matapos tanungin ni Philreca Party-list Representative Presley De Jesus kung paano matutulungan ang mga kabataang Pilipino na nais sumunod sa yapak ng tennis star na si Alex Eala.
Ayon kay De Jesus, nananatiling hamon ang tennis dahil itinuturing itong bago at pang-mayaman kumpara sa basketball at volleyball, dahil mas mahal ang kagamitan at pagsasanay.
Tugon ni House Appropriations Committee Vice Chair Representative Gerardo Espina Jr., itutuloy ng PSC ang pagtatayo ng regional training centers na tututok sa tennis at iba pang pasilidad na makatutulong sa mga atleta.
Sinabi rin ni Espina na nakatuon ang PSC sa mga medal-rich Olympic sports gaya ng boxing at tennis, kung saan may potensiyal umangat ang mga atletang Pilipino.
Samantala, tinanong ni Deputy Speaker Albee Benitez kung bukas ang PSC sa pakikipagtulungan sa mga kilalang foreign sports academy para maisagawa sa Pilipinas ang skills at training technology transfer. Sinabi ng PSC na interesado ito at kasalukuyan nang isinusulong ang ganitong mga partnership.