Walang tsansa ang pagtatangkang tumakas sa bilangguan gamit ang drone.
Ito ang iginiit ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.
Ayon kay Catapang, lahat ng operating prison and penal farms ng BuCor ay no-fly zones.
Bukod dito, may mga watchtower na 24 oras na binabantayan at may mga CCTV camera na nakapuwesto sa iba’t ibang bahagi ng mga pasilidad.
Sinabi ni Catapang na agad mapapansin ng mga guwardiya ang drone dahil sa ingay ng motor nito, lalo na kapag mababa ang lipad.
Mamo-monitor din umano sa CCTV ang mga drone na makikitang lumilipad sa loob o malapit sa mga bilangguan, kaya maaaring agad na makapagresponde ang mga security personnel.
Ang pahayag ay inilabas ni Catapang sa gitna ng mga pangamba sa posibleng paggamit ng drone sa paghahatid ng kontrabando, pagmamanman, at pagtulong sa mga preso sa pagtatangkang tumakas.
Bagama’t kayang lumipad ng drone sa ibabaw ng mga pader ng bilangguan, iginiit ng BuCor chief na hindi ito madaling makalusot sa mahigpit na seguridad at mga teknolohiyang nakapaligid sa mga correctional facility. Patuloy naman umano ang pagpapalakas ng BuCor sa kanilang mga sistema sa pagmamatyag at seguridad.