Nanindigan si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang nangyayaring “provocation” sa isyu sa West Philippine Sea, taliwas sa mga inilalabas na pahayag ng China.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay Sec. Teodoro, iginiit niyang walang anumang pamemersonal sa mga aksiyon ng Pilipinas dahil nakasalig ang lahat ng kilos ng bansa sa mga itinatakda ng international maritime law at mga itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Tila mas tamang pahayag na China ang pinag-uugatan ng lahat ng uri ng harassment sa West Philippine Sea at sa iba pang katubigang inaangkin nito dahil sa mga marahas at agresibo nitong aksiyon tulad ng paggamit ng water cannons at pagpapaputok ng flares hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang claimant countries.
Nakababahala rin ayon sa kalihim ang mga isinasagawa nitong missile tests na naka-aapekto rin sa iba pang Pacific Islands at ang pangingialam at pagbuntot nito sa mga Maritime exercises hindi lang ng Pilipinas kundi maging ng ibang mga bansa.
Ilan pa sa mga nabanggit ni Teodoro na mga gawain ng China na labis na nakasisira sa kapayapaan ng International community ay ang pag-demonize nito ngayon sa Japan at ang ilan pang agresibong aksiyon nito kontra India.