Iginiit ni Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro na dapat lamang tumutok ang pamahalaan sa enforcement pagdating sa problema ng ilegal na droga, at dapat ding pagtuunan ng pansin ang prevention, treatment, rehabilitation, at reintegration.
Inihayag ito ni Teodoro matapos niyang i-sponsor ang panukalang P526.546-milyong budget ng Dangerous Drugs Board o DDB para sa 2027 sa ikalawang araw ng plenary deliberations sa panukalang P7.2-trilyong national budget.
Ayon sa kanya, ang panukalang alokasyon para sa DDB ay P71.624 milyon, o halos 12 porsyentong mababa kumpara sa kabuuang P598.170-milyong budget ng ahensya noong 2026.
“A serious anti-drug policy cannot end with enforcement. It must also ask what happens before addiction takes hold, what happens when a person needs treatment, and what happens after rehabilitation when that person tries to return to family and community,” ani Teodoro, na siya ring Vice Chairperson ng House Committee on Appropriations.
“May magulang na hindi naghahanap ng huhulihin. Ang hinahanap niya ay tulong para sa anak niya,” dagdag niya, at binigyang-diin na kailangang tugunan ng pamahalaan hindi lamang ang supply ng ilegal na droga kundi pati ang mga ugat at pangangailangang may kaugnayan sa prevention, treatment, rehabilitation, at recovery.
Sa panukalang budget ng DDB, P169.182 milyon ang inilaan para sa Drug Abuse Prevention and Control Program. Kabilang dito ang P111.694 milyon para sa policy formulation, surveys, research and studies; P32.845 milyon para sa advocacy and information programs; at P24.643 milyon para sa capacity building.
Ayon kay Teodoro, mahalaga ang pananaliksik at evidence-based policymaking sa paggabay sa pamahalaan upang matukoy kung saan higit na kinakailangan ang treatment at community-based programs.
Dito rin malalaman kung saan dapat palakasin ang mga hakbang sa prevention, at kung aling mga intervention ang nagdudulot ng resulta.
“Kung hindi natin alam kung nasaan ang problema, paano natin malalaman kung saan ilalagay ang pera? Kung hindi natin alam kung aling programa ang gumagana, baka taon-taon lang tayong gumagastos dahil nakasanayan na,” giit ni Teodoro.
“That is why data matters. Research has value when it guides actual decisions to guide us for future allocation of resources. It should help identify where more treatment is needed. It should show where community-based programs should be expanded. It should guide where prevention should be strengthened. And it should help Congress and the Executive identify which interventions are producing the best results,” dagdag pa niya.
Para kay Teodoro, ang bisa ng kampanya ng pamahalaan kontra droga ay dapat masukat sa kung nakararating ba ang mga serbisyo sa mga pamilyang at komunidad na nangangailangan nito, at kung nabibigyan ba ang mga gumagamit ng ilegal na droga ng tunay na pagkakataong makarekober at muling maitaguyod ang kanilang buhay.
“Doon dapat makita ang halaga ng pondo: umaabot ang serbisyo. Kung may nanay sa probinsiya na gustong ipagamot ang anak niya, dapat may malinaw siyang mapupuntahan. Kung natapos ang rehab, dapat may support sa pagbalik sa komunidad,” diin ni Teodoro. Ang DDB ang nagsisilbing policy at coordinating institution ng pamahalaan na nag-uugnay sa mga gawain ng Philippine Drug Enforcement Agency para sa enforcement, Department of Health para sa treatment at health services, mga lokal na pamahalaan para sa community-based programs, at iba pang ahensyang may kinalaman sa social support at reintegration.