Photo courtesy of DTI Sorsogon
Bida ang mga coconut-based products ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) mula sa Sorsogon sa ginaganap na Kasanggayahan Sorsogon GoConut Trade Fair sa Mandaluyong City.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon Provincial Director Ma. Lourdes Pancho, nasa 30 exhibitors ang lumuwas para sa ikalawang taon ng nasabing trade fair para ilapit sa Metro Manila ang kanilang produkto.
Tampok sa apat na araw na exhibition ang mga food at non-food products tulad ng virgin coconut oil, coco jam, sukang niyog, coconut-shell crafts, Christmas decorations, pati na rin ang mga sustainable charcoal innovations.

Pagmamalaki niya, export-quality products ang mga gawang Sorsoganon, pero hindi ito makikilala kung mananatili lamang sa kanilang probinsya.
“Dito sa Manila, nandito ‘yung mga Manila-based exporters. Maraming buyers na nandito sa Manila, so kailangan naming i-promote ang aming mga produkto from the province. Kailangan naming iluwas dito sa Maynila dahil nandito talaga ang potential market,” ani Director Pancho.
Dagdag pa niya, layon ng aktibidad na maikonekta ang mga lokal na negosyante sa mga institutional buyers, distributors, at urban consumers na magbubukas ng bagong oportunidad sa maliliit na negosyo at magreresulta sa pag-angat ng lokal na ekonomiya ng Sorsogon.

Libreng mabibisita ng publiko ang Kasanggayahan Sorsogon GoConut Trade Fair sa Level 2, Grand Atrium ng Shangri-La Plaza Mall hanggang sa Linggo, Setyembre 20, 2026.