Nanawagan Abra Representative JB Bernos sa mga lokal na pamahalaan na isama ang kanilang emergency response systems sa Unified 911 upang maiwasan ang kalituhan at pagdoble ng serbisyo.
Ayon kay Bernos, mahalaga ang buong pakikiisa ng mga LGU para maging matagumpay ang Unified 911, dahil maaaring malito ang publiko kung magkakaibang emergency numbers at sistema ang kanilang tatawagan.
Aniya, mas madaling tandaan ang tatlong numerong 911 lalo na sa oras ng sakuna o emergency.
Ang Unified 911 ay nagsisilbing centralized emergency hotline na nag-uugnay sa PNP, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at mga LGU, at nagbibigay ng 24/7 na serbisyo sa buong bansa.
Nanawagan din si Bernos ng patuloy na koordinasyon ng mga ahensya at LGU, gayundin ng sapat na pondo para mapalakas ang sistema.
Kabilang dito ang pagkuha ng mas maraming call-takers upang mabawasan ang waiting time at pamumuhunan sa kinakailangang teknolohiya.
Ayon sa DILG, umaabot sa humigit-kumulang 70,000 tawag kada araw ang kasalukuyang hinahawakan ng Unified 911.