Minomonitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibleng pagbagsak ng debris mula sa Long March 12 rocket ng China sa karagatang sakop ng Palawan.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inilunsad ang rocket mula Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan, China dakong alas-8:32 ng umaga noong Setyembre 17.
Makalipas ang ilang minuto, tatlong malalakas na pagsabog ang narinig at may nakitang puting usok sa kalangitan sa Puerto Princesa City at mga kalapit na lugar.
Batay sa Philippine Space Agency (PhilSA), tinatayang 25 nautical miles mula Puerto Princesa City at 19 nautical miles mula Tubbataha Reefs Natural Park ang posibleng bagsakan ng rocket debris.
Naglabas na rin ang PCG ng navigational warning at pinayuhan ang publiko at mga marino na huwag lapitan o kunin ang anumang kahina-hinalang bagay na posibleng bahagi ng rocket at agad itong i-report sa pinakamalapit na Coast Guard unit.