Photo courtesy of Philippine Health Insurance Corporation
Hinimok ng Philhealth at ng Department of Health (DOH) ang publiko na tangkilikin at gamitin ang Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP at ang Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment o GAMOT program upang makaiwas sa posibleng malulubhang sakit.
Sa isang panayam, sinabi ni Philhealth Acting President and CEO, Dr. Beverly Ho na malaki ang maitutulong ng YAKAP at GAMOT program upang hindi na lumala pa ang mga sakit tulad ng Dengue at Leptospirosis.
Layunin ng mga nasabing programa na tiyakin na ang bawat Pilipino ay mayroong access sa kinakailangang gamot, libreng konsultasyon, at tulong sa pagpapaospital nang hindi nabibigatan sa gastusin.
Kapwa pinalawak na rin ang health benefit packages para sa sakit na dengue at leptospirosis.
Paalala pa ni Ho, na hangga’t maaari ay magpakonsulta at agad nang uminom ng ireresetang gamot upang hindi na humantong pa sa hospitalization kontra sa mga sakit na uso dahil sa pag-ulan.