Hindi kailanman mahahaluan ng pamumulitika ang pagtulong ng national government sa mga lokal na pamahalaan sa bansa, tagasuporta man ang mga ito ng Marcos administration o hindi.
Ito ang binigyang-diin ni Communications Usec. Claire Castro, kasunod ng mga kumukwestyon sa paglalaan ng ₱500 million na pondo, para sa pagsasaayos ng Jesse Robredo Coliseum sa Naga City.
Kung matatandaan, gagamitin ang pondong ito sa pagpapalakas ng istruktura ng coliseum, pagsasaayos ng bubong, sanitation at drainage system, at pagtatayo ng community kitchen, gayundin ang pagkakaroon ng medical response areas para sa disaster at relief operations.
Noong Pebrero, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang coliseum at nakipagkita kay Naga Mayor Leni Robredo.
Ayon kay Castro, iresponsable ang pagbibigay ng ganitong malisya sa mga proyekto ng pamahalaan, lalo’t walang pinipili ang national government pagdating sa pagbibigay ng suporta at pondo.