Nagtipon ang mga economic ministers ng ASEAN sa ika-29 na ASEAN Investment Area Council Meeting upang talakayin ang mga hakbang na magpapalakas sa pamumuhunan sa rehiyon sa gitna ng pabago-bagong pandaigdigang ekonomiya at paghahanda para sa nalalapit na ASEAN Summit.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, muling hinuhubog ng mga kawalang-katiyakan sa ekonomiya, mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, at pagbabago sa global value chains ang mga desisyon ng mga mamumuhunan. Aniya, hamon ito sa ASEAN upang mapanatiling competitive at kaakit-akit ang rehiyon para sa mga negosyo.
Binigyang-diin din ni Roque na nananatiling isa ang ASEAN sa pinakamalalakas na economic regions sa mundo dahil sa bata nitong populasyon, lumalawak na merkado, at malaking potensyal para sa paglago.
Kasama rin sa pulong ang mga kinatawan ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (UNESCAP), United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), at Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) upang magbahagi ng pananaw sa mga bagong investment trends, polisiya, at oportunidad sa rehiyon.
Inaasahang magsisilbing batayan ang mga napagkasunduan sa pulong para sa mga mahahalagang desisyong ihaharap ng mga lider ng ASEAN sa nalalapit na ASEAN Summit, na layong higit pang palakasin ang posisyon ng rehiyon bilang pangunahing destinasyon ng pamumuhunan.