Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na pag-aari ng ama ng 14-anyos na estudyanteng itinuturong suspek ang baril na ginamit sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Tatlong katao ang nasawi at walo ang sugatan sa insidente.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Remulla na tatlong rehistradong baril ang pag-aari ng ama, na isang opisyal ng Department of Education, ngunit hindi umano maayos ang pag-iingat sa mga ito.
Nais ngayon ng DILG na mabigyan ng awtoridad ang Philippine National Police na inspeksyunin ang mga bahay ng registered gun owners upang matiyak ang tamang pag-iimbak ng kanilang mga baril.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla na makikipagtulungan siya sa DICT para hilingin sa Kongreso ang paglilimita sa paggamit ng social media ng mga menor de edad. Ayon kay Remulla, kailangang tugunan ang paggamit ng mga bata sa internet, kabilang ang tinatawag na dark web.