Nagpaabot si Marikina City Mayor Maan Teodoro ng pakikiramay sa mga pamilya at komunidad na naapektuhan ng school shooting sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato, kasabay ng pagtiyak sa mga Marikeño na patuloy na pinapalakas ng pamahalaang lungsod ang mga hakbang para tiyakin ang seguridad sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang Facebook post, kinilala ni Teodoro ang pangamba ng mga magulang kasunod ng insidente na ikinasawi ng ilang estudyante at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtiyak na ligtas ang mga bata habang nasa kanilang mga paaralan.
“Alam ko yung pangamba ng mga magulang, lalo na sa nangyaring shooting sa South Cotabato. Nakikiramay tayo sa mga biktima at sa kanilang mga pamilyang naapektuhan ng insidente,” wika ni Teodoro.
“Bilang magulang, gusto nating panatag tayo habang nasa paaralan ang ating mga anak,” dugtong pa niya.
Ayon kay Teodoro, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng ilang hakbang upang higit pang palakasin ang kaligtasan sa mga paaralan sa Marikina.
Sinabi ni Teodoro na bumili ang lungsod ng mga de-kalidad na metal detector para sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod at nagsagawa ng workshop kasama ang mga school head mula sa pampubliko at pribadong paaralan upang palakasin ang kahandaan sa pag-iwas at pagtugon sa mga insidente ng active shooting.
“Nag-hire tayo kasama ang DepEd Marikina ng 31 guidance associates para palakasin ang school-based mental health program at may dagdag na aalalay sa ating mga bata,” wika pa niya.
Bukod dito, nagtalaga ng karagdagang mga pulis at mga tauhan ng Office of Public Safety and Security (OPSS) sa paligid ng mga paaralan upang makatulong sa pagpapalakas ng seguridad at pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante, guro, at mga empleyado ng paaralan.
“Mga co-parents ko, magkatuwang tayo rito. Kumustahin at pakinggan natin ang ating mga anak. Kung may alalahanin kayo, lumapit lang sa kanilang guro o school head,” ani Teodoro. “Kasama ninyo kami,” dagdag pa niya.