House Speaker Faustino Bojie Dy III
Inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill No. 11387 o Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act.
Layunin ng panukala na higpitan ang mga patakaran sa ligtas na pagtatago ng baril at palakasin ang pananagutan ng mga rehistradong gun owner at custodians upang maiwasan ang hindi awtorisadong pag-access sa armas.
Kasunod ito ng panibagong insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, gayundin ng iba pang insidenteng kinasangkutan ng mga menor de edad na nakakuha umano ng baril na pagmamay-ari o ipinagkatiwala sa mga nakatatanda.
Sa ilalim ng panukala, kailangang naka-unload at nakalagay sa secure storage device ang baril kapag wala ito sa agarang kontrol ng awtorisadong tao, habang hiwalay at nakakandado naman ang mga bala.
Inaatasan din ang mga aplikante ng firearm license na sumailalim sa gun-safety seminar, safe-storage course at written examination, habang kailangan naman ng refresher course bago ang renewal ng lisensya.
Maaari ring bawiin, kanselahin o suspendihin ang lisensya ng gun owner na sadyang nagpapahintulot o dahil sa kapabayaan ay naging dahilan upang makuha ng hindi awtorisadong indibidwal ang baril. Itinatakda rin ng HB 11387 ang bagong offense na “criminally negligent unauthorized access,” kung saan maaaring managot sa ilalim ng batas ang registered owner o custodian na nagpabaya sa pag-secure ng armas at dahil dito ay napunta ito sa kamay ng hindi awtorisadong tao.