Inaasahang haharap sa witness stand ngayong linggo si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte para sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Ito ay habang sinusuri ng House Prosecution Panel ang mga umano’y transaksiyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng isang kumpanyang may pinansiyal na interes ang pangalawang pangulo.
Binigyan ng subpoena si Mayor Baste ng Senate Impeachment Court, upang tumestigo at magdala ng mga dokumento kaugnay ng mga transaksiyon ng Pamahalaang Lungsod ng Davao at ng Gencorp Industries Inc. mula taong 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Layunin ng House Prosecution na malaman kung nagkaroon ba ng transaksiyon ang nasabing kumpanya sa lungsod sa panahon ng panunungkulan ni Baste bilang alkalde.
Hihilingin din nila ang ideklara si Baste bilang isang “hostile witness”.
Ang inaasahang pagpapatotoo ni Mayor Baste ay bahagi ng hakbang ng prosekusyon, na lumipat mula sa mga personal na deklarasyon ng yaman ng bise presidente tungo sa pagsusuri ng mga kumpanya na kanyang pagaari sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.