Pinagtibay ng Senado ang paglahok ng Pilipinas sa International Convention on Maritime Search and Rescue o SAR Convention, na naglalayong palakasin ang koordinasyon ng mga bansa sa pagtugon sa mga emergency sa karagatan. Labimpitong senador ang bumoto pabor sa concurrence ng bansa sa kasunduan.
Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Instrument of Accession noong Hunyo 25.
Ayon kay Philippine Coast Guard o PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, makatutulong ang kasunduan sa pagpapalakas ng search and rescue operations at proteksiyon sa mga Pilipinong mandaragat at iba pang bumibiyahe sa karagatan.
Sinabi naman ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na magbibigay ito ng mas malinaw na sistema ng koordinasyon sa pagtugon sa mga nawawalang mangingisda, aksidente sa mga sasakyang-pandagat at iba pang maritime emergency.
Sa ilalim ng SAR Convention, itinataguyod ang coordinated international search and rescue system, kabilang ang rescue coordination centers at pagtutulungan ng mga bansa sa pagsagip sa mga taong nanganganib sa dagat.