Iginiit ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito sa Department of Health o DOH ang mas agresibong information campaign para matugunan ang tumataas na kaso ng mental health concerns at HIV sa mga kabataan.
Sa budget hearing ng Senado, sinabi ni Ejercito na kailangang dagdagan ang pondo para sa early detection, counseling, at prevention, lalo na sa mga estudyante.
Dapat din aniyang mas maraming Pilipino ang maabot ng impormasyon tungkol sa libreng mental health services at maintenance medicines na iniaalok ng gobyerno.
Samantala, binigyang-diin din ni Ejercito ang mataas na kaso ng HIV sa mga kabataan, na nangangailangan aniya ng mas pinaigting na education at prevention campaign. Ayon sa DOH, tataas sa ₱1.674 billion ang pondo para sa HIV at STI prevention sa panukalang 2027 budget, mula sa ₱1.394 billion ngayong taon.