Buo ang suporta ng Office of the President sa panukalang CADENA Act at Anti-Political Dynasty Bill, ayon kay House Committee on Appropriations Senior Vice Chair Albert Garcia.
Sa deliberasyon ng panukalang budget ng Office of the President, tinanong ni Caloocan Representative Edgar Erice si Garcia, na siyang budget sponsor, tungkol sa posisyon ng ehekutibo sa dalawang panukala.
Ayon kay Garcia, suportado ng Pangulo ang CADENA Act, na kabilang sa mga priority legislative measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Katunayan sinimulan na ng Department of Budget and Management o DBM ang Centralized Open Monitoring Platform for Appropriation and Spending Statistics o COMPASS, na nagbibigay ng access sa impormasyon tungkol sa paggasta ng pamahalaan.
Ayon kay Garcia, mahalagang paunang hakbang ang pagdi-digitalize ng government spending dahil mas mapapadali nito ang pagsusuri sa paggamit ng pondo, kabilang ang paggamit ng mga bagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence.
Malinaw rin umano ang posisyon ng Pangulo sa Anti-Political Dynasty Bill. Binanggit ni Garcia ang pahayag ng Executive Secretary na hinihikayat ng Pangulo ang Kamara at Senado na ipasa ang naturang panukala at “very supportive” umano ang Pangulo rito.