Nasawi ang dalawang sundalo matapos na tambangan ng mga salaring riding-in-tadem sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte kagabi.
Batay sa ulat ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang mga biktima ay mayroong ranggong Private 1st Class at kapwa miyembro ng Army’s 7th Infantry Battalion sa ilalim ng 6th Infantry “Kampilan” Division.
Nabatid na binabagtas ng mga biktima ang Davao-Cotabato National Highway sa Brgy. Ladia sakay ng motorsiklo nang umano’y sundan at tambangan sila ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng puting motorsiklo.
Pinaputukan ng mga suspek ang mga biktima gamit ang isang short firearm na pinaniniwalaang caliber .45 dahil sa tatlong basyo ng bala na nakuha sa pinangyarihan ng krimen.
Isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center ang dalawang sundalo ngunit kapwa idineklarang dead on arrival.
Patuloy ang follow-up investigation at intelligence gathering ng pulisya upang matukoy ang mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril.
Samantala, mariin namang kinondena ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central ang kalunus-lunos na sinapit ng kanilang mga tauhan.
Nagpaabot sila ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang nasawing Sundalo na itinalaga ang sarili para sa paglilingkod sa bayan.
Nanawagan naman sila ng kahinahunan sa publiko at tiniyak ang tulong na ipagkakaloob sa pamilya ng mga nasawi
