Inihayag ni House Prosecutor at Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na ang desisyon ng mga senator-judges sa conviction threshold ay hindi para padaliin ang trabaho ng prosekusyon.
Diin ni Diokno, “It never gets easier,” dahil aniya nahaharap pa rin sila sa mga hamon upang patunayan ang kanilang kaso laban sa bise presidente.
Ito ang reaksyon ng mambabatas matapos tanungin ng media kung ano ang epekto ng resulta ng oral arguments sa kanilang trabaho.
Binigyang-diin ni Diokno na hindi nagbabago ang bigat ng kanilang responsibilidad sa paghaharap ng ebidensya – anuman ang bilang ng botong kakailanganin sa huli upang mapatunayang nagkasala si VP Sara.
Sa naganap na oral arguments sa day-28 ng paglilitis, iginiit ni Diokno na ang pagbabago sa “denominator” sa pagkuha ng two-thirds na boto ay makakaapekto sa parehong “conviction” at “acquittal” ng kaso.