Nanawagan ang Malacañang sa firearm owners na maging mas maingat at mas responsable sa paghawak ng kanilang mga baril, lalo na iyong mga mayroong kasamang bata sa bahay.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon sa opisyal, mayroong responsibilidad ang firearm owners na siguruhing hindi ito mapupunta sa kamay ng mga menor de edad.
Ayon kay Castro, bagama’t pinapayagan ng batas ang bawat indibidwal na magmay-ari at magdala ng baril, kailangang mas paigtingin ang pag-iingat dito.
“Ang kailangan na lang talaga, kung sino iyong naghahawak ngayon ng baril, maging maingat kayo, lalong-lalo na kung may mga kasama kayong mga kabataan kasi nagsisilbi rin kayo na daan para magawa itong mga bagay na ito dahil sa inyong mga kapabayaan,” – Castro.
Babala ni Castro, maaaring managot ang mga firearm owners kapag napabayaan nilang mahawakan ng mga menor de edad ang kanilang mga baril.
“Kung kayo man ay nabigyan ng pagkakataon ng lisensiya na humawak, mag-carry ng firearms, sa ganitong pangyayari, pinatunayan ninyo lang na hindi kayo qualified,” – Castro.
Ayon kay Castro, dapat maipatupad ang mga umiiral na batas, kasabay naman ng pagtitiyak na tinitingnan ng pamahalaan ang posibilidad na pagsusulong ng panibagong batas para mas mapalakas ang mga parusa sa iligal na pagmamay-ari ng mga armas.
“Mayroon naman tayong batas na dapat nating ipatupad, may mga penalties na dapat namang ipataw,” – Castro