Mas malawak na interventions ang inihanda ng Department of Agriculture para maalalayan ang sektor ng pagsasaka at pangisdaan sa gitna ng nararanasang epekto ng Global Oil Crisis at ng nakaamba pang banta ng “very strong” El Niño
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa sa ngayon may hindi bababa sa P10-B assistance ang nakalinya sa ilalim ng UPLIFT(Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport)
Kabilang dito ang P6.2 bilyong UPLIFT assistance na nakatanggap na ng Special Allotment Release Order o SARO ngayong buwan.
Nakapaloob sa pondo ang P2.2 bilyong fertilizer assistance; tig-P1 bilyong fuel assistance para sa mga magsasaka at mangingisda; P1 bilyong cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program o PAFFP; at P1 bilyong fuel subsidy para sa agri-transport.
Bukod dito, naghihintay pa ang DA ng karagdagang P3.5 bilyong pondo para sa solar irrigation projects.
Inaasahan ng DA na mailalabas ang mga pondong ito bago matapos ang taon.
Una nang tiniyak ng Department of Agriculture na mas responsive at nakabatay sa siyensya ang mga hakbang nito bilang tugon sa posibleng matinding El Niño.