Itinutulak ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang kombinasyon ng nature-based at concrete solutions sa mga proyekto kontra-baha, partikular sa mga bayan sa Northern Manila Bay.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kailangang baguhin ang nakasanayang pagdepende lamang sa mga konkretong flood control structure at pag-aralan din ang mga sistemang matagumpay nang ginagamit sa ibang bansa gaya ng Netherlands.
Sinabi ni Dizon na walang iisang solusyon sa pagbaha at dapat pagsamahin ang mga imprastraktura tulad ng dike at iba pang nature-based interventions depende sa kondisyon ng lugar.
Tututukan ng DPWH ang Hagonoy, Paombong at bahagi ng Malolos sa Bulacan, gayundin ang Macabebe, Masantol at Sasmuan sa Pampanga, dahil iba ang kinakailangang flood mitigation measures sa mga lugar na ito kumpara sa Metro Manila.
Target ding simulan sa susunod na taon ang ilang detention basin habang inaasahang mabubuo sa loob ng anim na buwan ang plano para sa mga earth dike.
Binigyang-diin ni Dizon ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga foreign expert upang maiwasan ang maling proyekto at pag-aaksaya ng pondo, habang pinabibilis ang pagpapatupad ng mga solusyon sa pagbaha.