Hindi pa pinapa-subpoena ng National Bureau of Investigation si Davao Representative Paolo Pulong Duterte pero bukas naman aniya ang opisina sakaling kusang pumunta ang mambabatas para sa imbestigasyon ng flood control projects sa kanyang rehiyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag dahil aktibo naman si Congressman Duterte sa social media patungkol sa flood control projects, maaari naman itong dumiretso na sa NBI para makita ang mga ebidensya na hawak nila.
Giit pa ni Matibag, mas maganda kung pupunta ang kongresista para makita nitong hindi “marites lang” ang mga ebidensyang hawak nila.
Sakali naman na sa pagbusisi ng NBI ay makitaan ng ebidensya na magdadawit sa kongresista, ay posible din na ipa-subpoena si Pulong sa kanilang opisina.
Matatandaan na ayon kay Matibag nasa 50 flood control projects ang may red flag sa Davao Region. Bukod sa mga ghost at substandard ay may isang proyekto na limang beses na pinondohan sa rehiyon
Mayroon din silang nasilip na mula 2018 hanggang 2024 ay umabot sa ₱7 billion ang kontrata na napunta sa iisang contractor lang.