Aminado ang Department of Information and Communications Technology o DICT na may mga lehitimong gumagamit ng Discord na naabala o naapektuhan ng ipinatupad na ban sa platform.
Ayon kay CICC Executive Director at DICT Undersecretary Renato Aboy Paraiso, nauunawaan nila ang reklamo ng mga legitimate users at mas gugustuhin nilang makipag-usap sa mga naapektuhan upang matugunan ang kanilang concerns.
Aniya, mas mahirap para sa pamahalaan na harapin ang mga magulang na nawalan o nasaktang anak dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa online violence at NVE.
Giit naman ni DICT Secretary Henry Aguda, tumitindig ang pamahalaan laban sa online violence dahil patuloy na tumataas ang mga insidente ng NVE o network violence and extremism.
Aniya, maaaring hindi popular ang ilang hakbang ng pamahalaan, ngunit kailangan itong gawin upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa online threats.