Photo courtesy of Quezon City LGU
Iminungkahi ng Department of Budget and Management o DBM ang halos ₱229 milyon para sa Electric Vehicle Industry Development Program o EVIDP sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program.
Ito ay mahigit pitong beses na mas mataas kumpara sa ₱32.46 milyon alokasyon ngayong 2026, o 605.17 percent na pagtaas.
Gagamitin ang ₱228.92 milyon para sa EVision Project, na magtatayo at magpapatakbo ng mga charging facility sa piling tanggapan ng gobyerno, at para sa pagtatatag ng Electric Vehicle Charging System Testing Facility.
Layunin nitong gawing mas accessible at praktikal ang paggamit ng electric vehicles sa gobyerno, bilang bahagi ng pagsusulong ng mas malinis na transportasyon.
Nakaayon ito sa clean-energy agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang pagtanggal ng tariffs sa EVs hanggang 2028 at pag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na unahin ang electric vehicles sa kanilang replacement o refleeting plans.