Hinarang ng Bureau of Immigration o BI sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isang Romanian national na may criminal conviction kaugnay ng pagkuha ng mga babae para sa prostitusyon.
Kinilala ang dayuhan na si Razvan Mircea Nedelea, alyas Razvan Necule, 46-taong gulang, na dumating sa bansa noong Setyembre 22.
Ayon kay BI Anti-Terrorist Group Deputy Chief Bienvenido Castillo III, lumabas sa intelligence information na kabilang si Nedelea sa isang Romanian criminal group na sangkot umano sa trafficking ng mga babae patungong Scotland at kalauna’y nahatulan sa kasong procuring women for prostitution.
Na-monitor ng BI APIS Operations Center ang kanyang biyahe halos siyam na oras bago ang nakatakdang pagdating sa Maynila, dahilan para agad na makipag-ugnayan sa ATG at airport immigration personnel.
Pagdating sa NAIA, isinailalim si Nedelea sa immigration assessment bago irekomenda ang kanyang exclusion at pagbabalik sa bansang pinagmulan.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, patuloy na gagamit ang ahensya ng intelligence information at advance passenger data upang mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang maaaring magdulot ng banta sa public safety at national security.