Personal na nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga naiwan ni Quirino Governor Dax Cua sa Heritage Memorial Park sa Taguig City kagabi.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Punong Ehekutibo sa pamilya ni Cua, kasama ang mga kaibigan at dating kasamahan nito sa public service.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang kanyang pagpunta sa burol ay bilang Pangulo, bilang dating kasamahan sa trabaho ni Cua at bilang kaibigan.
Kasabay ni Pangulong Marcos sa pakikiramay ang kanyang anak na si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos, Executive Secretary Ralph Recto at mga miyembro ng Gabinete.
Si Governor Cua ay naiulat na namatay nitong nagdaang September 15 sa edad na 48.
Nagsimula sa politika si Cua sa edad na 23 nang mahalal bilang vice governor ng Quirino noong 2001.
Naging gobernador siya mula 2007 hanggang 2010 at nahalal ulit noong 2019 hanggang sa kanyang pagpanaw.
Naging kinatawan din siya ng lone district ng Quirino mula 2010 hanggang 2019.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng Pangulo ang 25 taong pagsisilbi sa bayan ni Cua at ang mga naiambag nito sa Quirino, gayundin sa mga komunidad na kanyang nabigyan ng serbisyo.